Walang nakikitang problema si presidential aspirant Senator Panfilo Lacson sa plano ng Department of Health (DOH) na iklian ang quarantine period ng mga healthcare workers na tinatamaan ng COVID-19.
Pero diin ni Lacson, dapat ang hakbang ng DOH ay science – based at hindi reaksyon lang sa tumataas na bilang ng mga dinadala sa ospital dahil sa muling paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sabi ni Lacson, kung hindi suportado ng siyensya ang utos ng DOH ay kakampihan nya ang Health Alliance na nagsabing ang naturang utos ng DOH ay maglalagay sa peligro sa mga medical frontliners at hindi makakarersolba sa kakulangan ng workforce sa mga ospital.
Una rito ay iginiit ng Alliance of Health Workers na ang naturamg utos ng DOH ay unsafe, unfair at irrational.
Ayon kay Lacson, bagama’t magandang pakinggan para sa tulad niyang nagka-COVID na ibinaba na sa sampung araw ang quarantine period ay pinakamahalaga pa rin ang maprotekhan ang kalusugan sa kasalukuyang panahong na matindi at mabilis ang hawahan ng virus.