Pagpapaiksi sa 5 mula sa 10 araw na quarantine ng mga international travelers mula sa North America, isinusulong ng Presidential Adviser for Entrepreneurship

Isinusulong ngayon ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na paiksiin sa 5 mula 10 araw ang quarantine ng mga international traveler mula sa North America.

Ayon kay Concepcion, kung bakunado na ang mga indibidwal at negatibo na sa RT-PCR test ay hindi na kailangang patagalin pa ang quarantine.

Habang hinihintay naman ang pagluluwag sa international tourist arrivals, prayoridad ng Department of Tourism (DOT) na mabakunahan ang lahat ng manggagawa sa sektor ng turismo.


Sa ngayon, mahigit kalahati na ng higit 250,000 tourism workers ang nabakunahan na.

Pero sa kabila nito, nanindigan si Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maging maingat pa rin sa mga bansang nasa yellow o moderate risk category kung saan kabilang ang Amerika at iba pang parte ng North Amerika.

Ang mga manggagaling sa mga bansa na classified bilang green at yellow lists ay maaaring payagan na makapasok sa bansa pero sasailalim sa quarantine at testing protocols ng Bureau of Quarantine (BOQ).

Facebook Comments