Isinagawa na ng National Electrification Administration (NEA) ang Ceremonial switch-on ng Sitio Salaming sa Bokbokon Las Nieves, Agusan del Norte kahapon.
Ayon kay NEA Administrator Antonio Mariano Almeda, naisakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng Sitio Electrification Program (SEP) ng korporasyong pag-aari ng Estado.
Paliwanag pa ni Almeda, may 30 pamilya mula sa Tribong Higaonon, isa sa mga katutubo sa Northern Mindanao, ang inaasahang makikinabang sa electrification program na ito.
Mayroon ding 71 kabahayan na naghihintay ng kumpirmasyon ng kanilang koneksyon, na sakop din ng SEP project.
Binigyan diin ni Almeda, ang thrust ng gobyerno na pasiglahin ang bawat sambahayan, partikular sa mga unserved at underserved areas sa buong bansa.
Ito ay alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na makamit ang kabuuang electrification sa 2028.
Ipinunto rin ni Almeda ang kahalagahan ng serbisyo ng kuryente para sa edukasyon ng mga mag-aaral sa lugar.
Ang Sitio Bokbokon ay nasa ilalim ng Franchise Area ng Agusan del Norte Electric Cooperative, Inc. (ANECO).