Tiwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magdadala ng mga bagong oportunidad at pagsigla ng lokal na ekonomiya sa lalawigan ng Samar at Leyte ang pinailawang San Juanico Bridge.
Sa kaniyang pagdalo sa ceremonial switch-on para sa pailaw sa San Juanico Bridge kagabi, sinabi ng pangulo na mistula rin siyang isang bata na natutuwa sa kinang at matitingkad na kulay ng mga ilaw sa tulay.
Maituturing aniyang isang iconic landmark ang San Juanico Bridge at mayroong espesyal na puwang sa kaniyang puso dahil itinayo ito sa panahon ng kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Aniya, ipinagmamalaki niya ang tulay na ito na siguradong aakit ng mas maraming mga turista para saksihan at maranasang tumawid sa makasaysayang tulay hindi lamang kapag araw kundi lalo na sa gabi para masaksihan ang magagandang kislap ng mga ilaw nito.
Umaasa ang pangulo na magkakaroon ng mas masiglang pagbangon sa industriya ng turismo ng Eastern Visayas sa pagpapailaw sa San Juanico Bridge kasabay ng pagsisimula ng transformation ng bansa tungo sa mas masiglang ekonomiya.