Pagpapakabit ng RFID, pwede pa hanggang Disyembre

Makakadaan pa rin sa mga expressway ang mga motoristang hindi pa nakakabitan ng RFID pagsapit ng November 2.

Ito ang nilinaw ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) sa gitna ng pagkukumahog ng mga motoristang makapagpakabit ng RFID para sa pagpapatupad ng cashless payment transaction.

Ayon kay MPTC Chief Communication Officer Atty. Romulo Quimbo, bagama’t mandato sa kanila ng Department of Transportation (DOTr) na gawing contactless ang pagbabayad ng toll simula November 2, hindi ito nangangahulugan na hindi na papayagang makadaan ang mga motoristang wala pang RFID.


“Ito pong November 2, ito po ang mandato sa amin na dapat handa na kami. Pero hindi nangangahulugan na wala hong makakapasok, hindi ho gano’n. Para sa amin sa NLEX, SCTEX, CAVITEX, lahat naman po ng mga mamamayan natin na gusting pumasok e papapasukin po natin, public service ho ito e. so wala hong bawal by November 2,” paliwanag ni Quimbo sa panayam ng RMN Manila.

Kasabay nito, hinimok pa rin ni Quimbo ang mga motorista na magpakabit ng RFID bilang pag-iingat na rin sa banta ng COVID-19.

Apela niya sa mga motorista, huwag na munang makipagsabayan sa mga regular na dumadaan sa expressway sa pagpapakabit ng RFID kung hindi pa naman nila kinakailangang bumiyahe.

Ito ay para maiwasan ang traffic dahil sa paghaba ng pila ng mga sasakyan sa mga toll plaza.

Katunayan, maaari pa naman aniyang magpakabit ng RFID hanggang sa Disyembre.

“Hindi niyo kailangang magmadali ngayon. Ang panawagan ho namin, kung wala namang balak na lumakad ngayong November 2 e, hanggang katapusan pwede pa namang magpakabit ng RFID. Hanggang sa katapusan, meron pa tayong serbisyo,” ani Quimbo.

Facebook Comments