Ipinasasabatas ni Senator Jinggoy Estrada na gawing krimen ang pagpapakalat ng “fake news” gamit ang online.
Sa Senate Bill 1296 na inihain ni Estrada, layunin na masugpo at matigil na ang paglaganap ng ‘fake news’ sa internet sa pamamagitan ng pagsama rito sa mga itinuturing na cybercrime sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sa panukala ay pinaaamyendahan ang batas para maisama ang “fake news” sa listahan ng mga cybercrime offenses.
Partikular na ipinatuturing na krimen ang paglikha at pagpapakalat ng pekeng balita na ginawa sa pamamagitan ng computer system, internet, online o sa iba pang katulad na paraan na magagamit sa hinaharap.
Tinukoy ni Estrada na naging laganap na ang mga ‘click baits’, propaganda at manipulasyon sa mga lehitimong news segments na ang layunin ay magpalaganap ng kasinungalingan, disinformation at maling balita kaya naman mahirap nang matukoy ngayon kung ano ang totoo sa mga pekeng balita.