Pinalagan nina Senators Risa Hontiveros at Francis “Kiko” Pangilinan ang pagpapakalat muli ng pulis at sundalo para siguraduhing nasusunod ang health protocols sa harap ng lumolobong kaso ng COVID-19.
Sabi ni Hontiveros, tama na ang “throwback 2020” kung saan nakitang hindi naman nakatulong ang ipinatupad na mass arrest sa mga lumalabag sa health protocols.
Ayon kay Hontiveros, dapat natuto na ang gobyerno na hindi epektibo ang “militaristic approach” sa pandemic dahil magsisiksikan lang ang mga tao sa kulungan at lalo lang magkakahawaan.
Hiling ni Hontiveros, kung magde-deploy man ng pulis ay dapat sila ang mamigay ng face mask, face shield, o magpaalala sa physical distancing at paglilinis ng kamay sa halip na mandadakip na lang at aabuso sa kanilang kapangyarihan.
Giit naman ni Senator Pangilinan, contact tracers, vaccinators, testers at mas maraming doktor at mga nurse ang kailangan para sa mas epektibong pagsugpo sa COVID-19 at hindi dagdag na pulis at sundalo.
Diin ni Pangilinan, walang epekto ang kamay na bakal sa pagsugpo sa COVID-19 at tiyak lalo lang tayong mananatiling kulelat sa ganitong klase na militaristic COVID-19 response.