Buo ang suporta ni Senator Richard Gordon sa mungkahi na isama ang pagpapakawala ng tubig sa mga dam sa text alerts na ipinapadala sa publiko ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ito ay upang mabigyan ng babala at agad makalikas ang mga residente sa mga lugar na maapektuhan ng pagkakawala ng tubig ng mga dam.
Sa ngayon, ang text alerts ng NDRRMC ay patungkol lang sa mga bagyo, panganib ng storm surge at lindol kung saan hindi pa kasama ang pagrelease ng tubig mula sa mga dam.
Ang nabanggit na suhestyon ay makaraang marami ang mabiktima ng malawakang pagbaha sa ilang lalawigan sa luzon dahil sa pagpapakawala ng tubig ng mga dam sa panahon ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Iginiit din ni Gordon sa National Irrigation Administration (NIA) na mahigpit na i-monitor ang estado ng mga dam at tiyaking masunod ang protocols upang hindi na maulit ang malawakang pagbaha.
Inihalimbawa ni Gordon ang ginagawa ng Philippine Red Cross na regular monitoring sa water level ng iba’t ibang mga dam para mabigyan nila ng babala ang publiko kapag ito ay malapit ng umabot sa spilling level.