Iminungkahi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na kailangan na ring magpakita ng booster vaccination card bago makapasok sa mga establisyimento sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Concepcion, dapat gayahin ng NCR ang Amerika kung saan hinahanapan ng booster card ang mga tao bago payagang makapasok sa mga mga establisyimento.
Aniya, mataas naman na ang vaccination rate sa NCR at marami na ang naturukan ng booster shot.
Giit pa ni Concepcion, dapat mapabilang sa minimum health protocol ang pagkakaroon ng booster card para maengganyo ang mga tao na magpabakuna na para sa dagdag proteksyon laban sa virus.
Batay sa Department of Health (DOH), umabot na sa 21,949,181 doses ng COVID-19 vaccines ang naiturok na sa NCR.
Sa nasabing bilang, 9,588,197 ang fully vaccinated na habang nasa 9,891,316 ang nakatanggap na ng first dose at 2,469,668 ang mayroon ng booster doses.