Una na ring nagpalabas ang probinsya ng Isabela ng Executive Order no.1, Series of 2022 o “No vaccine, No entry” policy na inisyu ni Governor Rodito Albano III para sa mga pampubliko at pribadong establisyemento sa lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, ang City Health Officer ng Santiago City, inirekomenda ng Local IATF na kailangang maging strikto ang mga otoridad sa pagpapatupad sa nasabing polisiya kung saan kinakailangan nang hanapan ng Vaccination Card at Vaccination Certificate ang sinumang pasok sa mga establisyimento, mapa-pribado o publiko man.
Bukod dito, ipinagbabawal rin ang mga batang nasa edad 11 pababa sa mga establisyimento dahil hindi pa sila bakunado.
Sinabi rin ni Dr. Manalo, posibleng magkaroon ng Massive Testing sa mga lugar na may maraming kaso ng COVID-19 katulad sa Brgy. Rosario.
Dagdag rin nito, posibleng hanapan din ng negative SWAB Test results o Antigen Test ang mga food riders upang mas mapigilan ang pagkalat ng naturang virus.
Samantala, wala pa naman aniyang katiyakan kung nakapasok na ang OMICRON variant sa Lungsod subalit aantayin pa rin ang resulta ng ilang mga SWAB samples na ipinadala na sa Metro Manila.
Sa ngayon, nakapagtala na ng 108 total cases ng COVID 19 ang Santiago City, na siyang may pinakamaraming naitalang kaso sa Lambak ng Cagayan.
Kaugnay nito, inihahanda na rin ang mga COVID kits na ibibigay sa mga iba’t-ibang barangay sa Lungsod para sa mga kumpirmadong positibo sa Antigen at RT-PCR.