Manila, Philippines – Kinalampag ni Senator Sonny Angara ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para madaliin ang pagpapalabas ng implementing guidelines para sa mga medisina o gamot na hindi na dapat patawan ng Value Added Tax o VAT.
Halimbawa nito ang mga gamot para sa diabetes, high cholesterol, at hypertension.
Ang pagtanggal ng buwis sa ilang medisina ay alinsunod sa Republic Act 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law.
Diin ni Angara, dapat na itong maipatupad sa simula January 1, 2019 para pakinabangan ng pamilyang Pilipino.
Ikinatwiran ni Angara, na malaking tulong ang mababawas sa presyo ng nabanggit na mga gamot dahil ang kamahalan nito ang kadalasang dahilan kaya hindi nasusunod ang reseta ng doktor.
Bukod dito ay inihain din ni Angara ang Senate Bill 972 o “Libreng Gamot Program” na nag-aatas sa lahat ng government health facilities na magbigay ng libreng gamot sa mga mahihirap.