Manila, Philippines – Ipinag-utos ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang suspensiyon sa pagpapalabas ng Overseas Employment Certificates o OECs sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa Department Order 185 na nilagdaan ngayong araw ng kalihim, ang suspension ay magkakabisa sa loob ng 15 araw o mula Nobyembre 13 hanggang Disyembre 1, 2017.
Ang kautusan ay pinalabas ng kalihim dahil sa mga report ng illegal recruitment, direct hires at upang maprotektahan ang publiko laban sa mga tiwaling indibidwal na nagsasamantala sa mga manggagawang Filipino na nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.
Paliwanag ni Bello, hindi saklaw ng kautusan ang mga manggagawang ine-empleyo ng mga International Organization, miyembro ng Diplomatic Corps, mga dugong-bughaw o miyembro ng royal families at sea-based recruitment agencies.
Naglagay na rin ng investigating team si Bello upang magsiyasat sa illegal na aktibidad upang mapanagot ang mga nasa likot ng katiwalian.
Giit ng kalihim, ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang inatasang magpatupad ng kautusan sa mga land-based private recruitment agencies.