Pagpapalabas ng P1 billion sa LTFRB para sa fuel subsidies, ikinalugod ng DOTr

Katanggap-tanggap sa Department of Transportation (DOTr) ang pag-release ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ng P1.0 billion sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Tiniyak ng DOTr sa DBCC na bago matapos ang buwan ay ipapamahagi na ang ipinalabas na pondo para sa fuel subsidies ng transportation sector na apektado ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon pa sa DOTr, matatanggap ng mga kuwalipikadong Public Utility Vehicle (PUV) drivers ang kanilang cash subsidy sa pamamagitan ng sistemang ginamit sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng LTFRB.


Sa pamamagitan naman ng Land Bank of the Philippines, direktang ililipat ang ayudang pinansyal sa mga cash card na inisyu sa mga driver.

Maliban sa fuel subsidies, idedepensa rin ng DOTr sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang pag-apruba sa pagtaas ng passenger capacity sa public transportation kasabay ng paglalagay sa National Capital Region (NCR) at ibang parte ng bansa sa mga pinaluwag na quarantine alert levels.

Facebook Comments