Pagpapalabas ng performance-based bonus hanggang 2023, tuloy kahit nirerebyu ang Result-Based Performance Management System

Nakipagpulong ang Department of Budget and Management (DBM) sa ilang grupo ng mga guro upang pakinggan ang hinaing sa umento sa sahod ng mga guro at mga insentibo.

Mismong si DBM Secretary Amenah Pangandaman ang nakausap ni Teachers’ Dignity Coalition Chairman Benjo Basas upang talakayin din ang kalagayan ng Performance-Based Bonus para sa Fiscal Year 2022, Productivity Enhancement Incentive, resulta ng mga pag-aaral ng DBM-Governance Commission for Government-Owned or Controlled Corporations at development sa iminungkahing pagtaas ng suweldo ngayong taon.

Tiniyak ng DBM na tuloy pa rin ang pagpapalabas ng Performance-Based Bonus sa Fiscal Year 2022 at 2023 sa kabila ng pag-isyu sa Executive Order No. 61 na nag-uutos rebyuhin ang Result-Based Performance Management System.


Sa ngayon, nakikipag-ugnayan ang DBM sa Department of Education para mapabilis ang proseso at pag-validate ng isinumiteng Form 1.0 para sa pagsasama ng mga kawani na hindi nailagay sa listahan at ang pagsasaayos ng mga maling impormasyon at duplicate records.

Facebook Comments