Pagpapalabas sa P35-M na tulong para sa daan-daang pamilyang nasunugan sa Palawan, inendorso ng Liderato ng Kamara

Agad inendorso ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagpapalabas ng P35-million sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act para sa 920 pamilya na nabiktima ng malaking sunog sa Puerto Princesa, Palawan.

Kasama rito ang ‘ayuda’ na tig-P10,000 kada pamilya sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nakikipag-ugnayan na rin ang tanggapan ni Romualdez sa DSWD at iba pang kaukulang ahensya at lokal na pamahalaan para naman sa paghahatid ng ibayong tulong sa mga biktima ng trahedya.


Si Romualdez ang tumatayong caretaker ng ikatlong distrito ng Palawan kasunod ng pagpanaw ni Rep. Edward Hagedorn.

Kaugnay nito ay tiniyak ni Romualdez na nakahanda palagi ang gobyerno na magkaloob ng mabilisan at epektibong tulong at suporta kailangan ng mga biktima para makabangon mula sa sakuna.

Facebook Comments