Pagpapalabas sa pondo para sa housing assistance at pabahay para sa informal settlers at mga biktima ng kalamidad, inaprubahan na ng DBM

Aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng ₱12.259 bilyong housing assistance sa mga biktima ng kalamidad at para sa resettlement ng informal settlers sa Western Visayas.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman sa kabuuang halaga, ₱12.059 bilyon ang mapupunta bilang housing assistance sa mga biktima ng kalamidad, habang 200 milyong piso ay mapupunta sa pagpapatayo ng apat na yunit ng limang palapag na low-rise residential buildings sa Region VI o Western Visayas para sa resettlement ng informal settler families (ISFs).

Ayon pa sa kalihim, nananatiling prayoridad ng administrasyong Marcos ang pagkakaloob ng disenteng pabahay sa mahihirap na Pilipino lalo na ang mga biktima ng kalamidad.


Ang National Housing Authority o NHA na aniya ang ahensya ng gobyerno na may mandatong tutukan ang mga proyektong pabahay para sa mga pamilyang may mababang kita.

Sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD), ang NHA ang nagsisilbing tinatawag na production at financing arm sa usapin ng housing.

Facebook Comments