Inaprubahan na ng House Committee on Basic Education and Culture ang substitute bill para sa pagpapalakas at pagsusulong ng paghahatid ng mental health services sa mga paaralan sa bansa.
Sa inaprubahang unnumbered substitute bill ay layong madagdagan ang mga mental health professionals sa bawat basic education institution.
Ito ay para matugunan ang mental at emotional needs ng mga mag-aaral, guro, at school staff lalo pa’t nasa ilalim ng online o blended learning ngayong may COVID-19 pandemic.
Kabilang naman sa mga kinatigang amyenda sa panukala ay ang isinusulong ni Marikina Rep. Stella Quimbo na payagan ang mga teaching personnel na i-capacitate o gawin ang tungkulin ng isang guidance counselor.
Sa ilalim nito ay pinapa-adjust ang minimum requirements sa pag-hire ng mental health professionals kung saan kahit ang mga graduate ng kurso na may kaugnayan sa pangangalaga sa mental health na may commitment na kumuha ng master’s degree at makapasa ng board pagkatapos ng tatlong taon ay maaaring maging guidance counselor.
Isinusulong naman ni Basic Education and Culture Chairman Roman Romulo ang paglalatag ng career progression upang mahikayat ang mas maraming Pilipino na kumuha ng guidance counseling.