
Pinatututukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay bagong Department of Information and Communications Technology (DICT) Chief Henry Aguda ang pagpapalakas ng cybersecurity ng bansa ngayong panahon ng halalan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, itinuturing ng pangulo na mahalagang aspeto ang pagpapalakas ng cybersecurity, lalo’t inaasahang habang papalapit ang eleksyon ay maglilipana ang mga “troll farms” online.
Magiging katuwang din ng Presidential Communications Office (PCO) ang DICT sa mga programa at proyektong ilulunsad kaugnay ng laban sa fake news.
Bukod sa pagpapalakas ng cybersecurity, ipinag-utos din aniya ng pangulo ang pagpapatuloy ng programa ng administrasyon sa digitalization ng mga proseso at transaksyon, at pagtatatag ng mabilis na internet connectivity sa buong bansa.
Una nang nakipagkasundo ang PCO sa Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) para isulong ang mga tamang impormasyon, kasabay ng pagsawata at pagpanagot sa mga nagpapakalat ng fake news sa social media.