Inilatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ginagawang hakbang ng kaniyang administrasyon para sa pagpapalakas ng cybersecurity system at ang patuloy na pagsusulong ng digitalization sa proseso ng pamahalaan upang mas mapaganda ang serbisyong publiko.
Sa open forum ng World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland, sinabi ng pangulo na isang malaking usapin ang cybersecurity.
Ito aniya ang kasalukuyang tinututukan ng gobyerno ng Pilipinas para maging maayos ang sistema sa pag-iingat sa mga sensitibong impormasyon.
Aminado si Pangulong Marcos na nananantiling mabagal ang internet connectivity sa Pilipinas, at marami pang kailangang gawin para sa pagsusulong ng connectivity ng mga Pilipino.
Kaya ito ang rason kung bakit puspusan na rin ang ginagawang hakbang ng mga lokal na pamahalaan sa bansa, para masiguro na maitatayo ang mga imprastruktura na magsusulong ng connectivity sa mga Pilipino, lalo na sa mga pinakaliblib na lugar.