Hiniling ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagpapalakas ng disaster-preparedness program ng mga LGU para mapagaan ang epekto ng nararanasang extreme weather conditions.
Ang apela ng senador ay kasunod ng naging babala kamakailan ng PAGASA sa banta ng El Niño na hindi lamang sobrang tagtuyot ang maidudulot kundi maaari ding magdala ng mas maraming malalakas na pag-ulan sa bansa.
Dahil dito ay humirit si Gatchalian sa mga kasamahang senador na agad isabatas ang Senate Bill 939 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act.
Binigyang diin ng mambabatas na panahon na para magkaroon ng higit na kalayaan ang mga LGU sa pagpapatupad ng mga proyektong magpapalakas sa kanilang kahandaan sa kalamidad, mitigation process at rehabilitation capabilities.
Sa ilalim ng panukala, layuning magamit ang Local Disaster Risk Reduction Management Fund sa pagtustos sa mga proyektong pang-imprastraktura na dinisenyo para mabawasan ang epekto ng kalamidad, gayundin ay para matustusan ang mga proyektong may kinalaman sa sakuna at makakuha ng sapat na manpower para sa pagpapatupad ng mga programang may kinalaman sa kalamidad.