Isusulong sa 19th Congress ang mga panukalang batas kaugnay sa pagpapalakas ng ekonomiya at patuloy na pagtugon sa pandemya.
Ito ang tiniyak ni Majority Leader Martin Romualdez sakaling maupong speaker sa susunod na Kongreso.
Aniya, titiyakin niya ang pagtutulak sa ‘unity agenda’ ng bagong administrasyon at ipaprayoridad ang mga panukalang batas na mag-aalis sa bansa sa COVID-19 pandemic at ang tuloy-tuloy na pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Target aniyang ipagpatuloy sa 19th Congress ang mga amelioration program ng pamahalaan na bahagi ng ipinatupad na pandemic response.
Tinukoy ng mambabatas na malaki ang pangangailangan sa iba’t ibang economic stimulus measures upang patuloy na sumipa muli ang ekonomiya ng bansa.
Kasabay ng pagpapatibay sa mga panukala, umaasa ang kongresista na patungo na rin tayo sa “endemic state” ng sakit.
Umaasa rin si Romualdez na hindi lamang ang bansa ang hihilumin kundi kasabay rin nito ang pagbuti ng kalagayan ng ating ekonomiya.