Pagpapalakas ng financial technology, isinusulong sa Kamara

Pinalalakas ni Albay Representative Joey Salceda ang financial technology o fintech sector sa bansa.

Ayon kay Salceda, mahalagang samantalahin ng Pilipinas ang umuunlad na fintech sector kasunod ng pag-alis ng mga ito sa Hong Kong dahil sa pinahigpit na batas at data management habang ang ilang finance major centers sa Asya ay napupuno na ng ganitong industriya tulad sa Shanghai.

Kabilang sa fintech industry ay virtual banking, online lending facilities, cryptocurrencies at blockchain.


Sa ilalim ng House Bill 7760 o Financial Technology Industry Development Act ni Salceda, pinalalawig nito ang eligibility ng Special Investors Resident Visa (SIRV) para sa mga financial technology investors at management staff gayundin ay ipinasasailalim ang fintech industry sa Investment Priorities Plan (IPP) sa loob ng sampung taon upang mabigyan ito ng tax incentives.

Sa ganitong paraan ay mas mahihikayat ang mga mamumuhunan na dito na lamang palaguin sa bansa ang kanilang fintech companies.

Nakasaad din sa panukala ang paglikha ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng Financial Technology Office (FTO) at pagbuo ng tanggapan ng Financial Technology Industry Roadmap para sa pagsusulong ng fintech industry.

Naniniwala si Salceda na malaking panghikayat ang Pilipinas sa mga fintech companies dahil isa sa pinakamalaking consumer market para sa digital products ang bansa na may 74 million smartphone users at 10 oras din ang mga Pilipino kung gumamit ng internet.

Facebook Comments