Pagpapalakas ng kampanya laban sa hazing, isinulong sa Kamara

Isinulong ni TGP Party-list Rep. Jose “Bong” Teves Jr., na mapalakas ang “information dissemination at education campaign” ukol sa Republic Act 11053 o “Anti-Hazing Act of 2018.”

Ang hakbang ni Teves ay nakapaloob sa inihain niyang House Bill 7434 o “Tulong at Gabay para sa mga Pilipino kontra Hazing Educational Campaign” na pangungunahan ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).

Naniniwala si Teves na kulang ang kaalaman at bigat ng mga parusa kaya sa kabila ng pag-iral ng Anti-Hazing Law ay may mga kaso pa rin ng hazing, tulad ng pagkasawi dahil sa fraternity hazing ng Adamson University student na si John Matthew Salilig.


Sa ilalim ng panukala ay isasama sa curriculum ang tungkol sa Anti-Hazing Law upang maging lubos ang kaalaman hinggil dito ng mga estudyante.

Itinatakda rin ng panukala ang pagsasagawa ng mga dayalogo sa mga lider at miyembro ng school-based organizations, fraternities, sororities at iba pang asosasyon sa pagsisimula ng kada school year.

Sa ilalim ng panukala ay itutulak din ang mga alternatibong paraan para sa “membership/admission” sa mga nabanggit na grupo tulad ng pagtatanim ng puno, community at school development services at iba pang aktibidad.

Facebook Comments