Manila, Philippines – Pinadodoble ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkayod ng Department of Health (DOH) para isulong ang immunization program ng Pamahalaan.
Ito ay sa harap narin ng pagdedeklara ng DOH ng outbreak ng sakit na tigdas o measles sa maraming lugar sa bansa partikular na ang National Capital Region, Central Luzon, CALABARZON, Cagayan Velley, MIMAROPA at Bicol region.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, ang kautusan ng Pangulo kay Health Secretary Francisco Duque III ay ginawa sa naganap na Cabinet Meeting kagabi dito sa Malacañang kung saan isa sa mga tinalakay ay ang Immunization program ng Pamahalaan.
Sinabi ni Panelo na partikular na ipinagutos ng Pangulo ang pagdodoble kayod ng DOH sa promotion at kampanya sa immunization program ng Pamahalaan lalo na sa mga bata.