Pinahahanapan ng ilang senador ng solusyon ang pamahalaan para sa pagpapalakas ng local rice production sa bansa.
Ito ay kaugnay na rin sa kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos na magtakda ng “price ceiling” sa bigas dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo nito.
Ayon kay Senator Francis Tolentino, nararapat lamang na tugon ang ginawa ng pangulo para kontrolin ang inflation, siguraduhin ang pagiging abot-kaya sa presyo ng bigas at pangalagaan ang food security sa bansa.
Pero aniya, dapat sa katagalan ay gumawa ang pamahalaan ng mga hakbang para mapaigting ang produksyon sa bigas ng mga magsasaka.
Kung si Senator JV Ejercito naman ang tatanungin, ang kailangang ginawa ng gobyerno ay resolbahin ang problema sa smuggling, profiteering, cartels at hoarding upang maging masagana ang local agricultural industry at maging stable o matatag ang presyo ng agri-products.
Umaasa naman si Senator Sonny Angara na ang ipinatupad na price ceiling ay magbibigay ng sapat na insentibo para makapag-import pa rin upang mapanatili ang suplay sa merkado at mapanatili ang matatag na presyo ng bigas.