Pagpapalakas ng mental health support sa mga estudyanteng biktima ng pambu-bully, isinulong sa Kamara

Inihain ni Quezon City 5th District Representative PM Vargas ang House Bill 3397 o panukalang Campus Mental Health Improvement Act na layuning mapalakas ang mental health support sa mga estudyante lalo ang dumaranas ng trauma makaraang mabiktima ng pambu-bully.

Ang panukala ni Vargas ay tugon sa nakakaalarmang pagtaas ng kaso ng pisikal na pananakit o pambu-bully at cyberbullying sa mga mag-aaral base sa record ng Department of Education (DepEd).

Pinuna ni Vargas na 2% lang ng mga paaralan sa buong bansa ang may gumaganang Child Protection Committees kahit noong 2021–2022 ay nakapagtala ang DepEd ng 404 kaso ng student suicides at 2,147 suicide attempts.

Pangunahing nakapaloob sa panukala ni Vargas ang pagpapalawig hanggang kolehiyo ng mental and behavioral health services at ang pagsailalim sa training ng mga guro, staff at student leaders para agad nilang matukoy at matugunan ang mental health concerns ng mga estudyante.

Facebook Comments