Pagpapalakas ng mga training program para sa mga future workforce ng bansa, hiniling ng isang senador

Nanawagan si Senator Jinggoy Estrada sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na palakasin ang mga training program para sa pagpapahusay ng kakayahan ng mga future workforce ng bansa.

Ginawa ni Estrada ang apela bunsod ng pag-aaral ng Commission on Human Rights (CHR) na kulang sa “soft skills” ang mga graduate ngayong pandemic kaya hirap makahanap ng trabaho.

Partikular na pinakikilos ni Estrada ang Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at sa iba pang ahensya na paigtingin at i-roll out na ang mga training program para sa re-skilling ng mga workforce lalo na ang mga bagong sasabak sa trabaho para may maihanda ang mga ito sa mga pausbong at mga bagong industriya.


Ayon kay Estrada, kailangan na maglatag ng reporma hindi lang sa educational system kundi maging sa human resource development strategy.

Batid din ng senador na hindi madaling punan ang mga kakulangan na dapat sana’y natutunan ng mga mag-aaral sa face-to-face classes lalo’t katatapos lamang din ng bansa mula sa mga hamon ng pandemya.

Samantala, hiniling din ni Estrada ang agad na pagpapatibay sa inihain nitong Senate Bill No. 1083, o ang panukalang Apprenticeship Training Act na may layuning paghusayin ang apprenticeship program para maisulong ang skills acquisition at youth employment.

Facebook Comments