Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin pa ang mga programa ng pamahalaan laban malnutrisyon.
Sa sectoral meeting sa Malacañang, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa National Nutrition Council na pangunahan ang pagpapatupad ng Philippine Plan of Action for Nutrition para masugpo ang undernutrition, micronutrient deficiency at obesity sa hanay ng mga bata.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, may malaking pondo ang gobyerno para sa undernutrition kung saan kasama rito ang school age feeding program ng Department of Education (DepEd), pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa preschool kids, at budget para sa first 1,000 days ng mga sanggol.
Sa first 1,000 days kasi aniya hinuhubog ang nutrisyon at kalusugan ng sanggol para hindi ito maging bansot.
Dagdag pa ni Herbosa, utos din ng Pangulo na pag isahin ang feeding program ng mga ahensiya ng pamahalaan kasama ang mga lokal na pamahalaan.
Batid aniya ng Pangulo na magkaugnay ang health at nutrition lalo na sa mga bata kaya’t mahalagang mapalakas ito.