Pinakikilos ni Senator Robin Padilla ang pamahalaan na humanap ng mga paraan kung paano mapapalakas ang shipping industry sa bansa.
Ang pahayag ng senador ay kaugnay na rin sa magkakasunod na trahedya sa karagatan kung saan pinakahuli rito ang pagkasunog ng isang passenger vessel sa Basilan na ikinasawi ng 31 katao.
Ayon kay Padilla, habang sinisiyasat ang punu’t dulo ng nangyaring insidente ay dapat na ring maghanap ang pamahalaan ng mga paraan para mapalakas ang shipping industry, ito man ay pang-cargo o pampasahero.
Puna ng senador, karamihan sa mga secondhand na barkong binili ay naluluma na ng husto na tiyak hindi na rin ligtas para masakyan ng mga pasahero.
Bukod dito, wala ring tunay na kompetisyon dahil 40 percent ng ating ruta ay iisa lang ang operator.
Pinamamadali ng mambabatas ang pagkilos ng lahat kasama ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno na huwag nang hintayin na magising na naman tayo isang araw sa isang malagim na balita tungkol sa panibagong trahedya sa karagatan.