Pagpapalakas ng telemedicine at e-health industry sa bansa, itinutulak sa Kamara

Isinusulong ni Albay Rep. Joey Salceda ang pagpapalakas at pagpapalawig sa telemedicine at electronic health industry sa bansa.

Sa ilalim ng House Bill 7422 ni Salceda o ang Philippine E-Health and Telemedicine Development Act of 2020 ay magkakaroon ng regulatory framework ang telemedicine at e-health ng bansa upang mas mapalawak pa ang mabibigyan ng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad na hindi naaabot ng tulong ng pamahalaan.

Tinukoy ng Kongresista na dahil sa COVID-19 ay napabayaan na ang ibang mga sakit sa maraming ospital kaya malaking tulong ang remote medicine services para tuloy-tuloy ang paghahatid ng healthcare services.


Sa ilalim ng panukala ay makakapagpa-check up sa murang halaga ang mga mahihirap na pasyente na hindi na kinakailangang personal na pumunta sa mga klinika o pagamutan ngayong mataas ang panganib ng pandemya.

Makakatulong din ang telehealth system upang maalis ang katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil electronic na ang mga records at madaling malalaman kung may anomalyang ginagawa.

Sa ngayon ay nagsagawa na ng konsultasyon si Salceda sa BPO sector sa tulong na rin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang magamit ang industriya sa lumalawak na pangangailangan ng bansa para sa telemedicine.

Facebook Comments