Tinalakay sa parliamentary visit ng Senado sa Spain ang pagpapalakas ng trade relations, economic at defense cooperation ng Pilipinas at Espanya.
Pinangunahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang delegasyon ng Senado sa official parliamentary visit sa bansang Espanya nitong Lunes na nataon sa pagdiriwang din ng ika-75 taong paggunita ng diplomatic relations ng dalawang bansa.
Layunin ng official parliamentary visit ng Senado ng Pilipinas na palakasin pa ang interparliamentary relations at palawakin pa ang kalakalan ng Pilipinas at Spain.
Personal na tinanggap ni Spanish Senate President Pedro Rollan ang mga senador ng Pilipinas kung saan kabilang sa mga pangunahing napag-usapan ang pagpapahusay ng trade relations ng dalawang bansa.
Tinukoy ni Zubiri na ang pundasyon ng pagkakaibigan ng dalawang bansa sa maraming taon ay nakaangkla sa shared history, sa kultura at sa Katolikong pananampalataya.
Humirit naman si Zubiri sa Spain na bumuo ng free trade agreement (FTA) sa pagitan ng Pilipinas at European Union kung saan presidente rito ang Espanya.
Kahapon din ay nagkita sina Zubiri at King Felipe VI ng Spain sa Palacio de la Zarzuela sa Madrid kung saan natalakay naman ng dalawang lider ang 500 taon na shared history ng Spain at Pilipinas at nagkasundo na palalakasin ang economic at defense cooperation ng dalawang bansa.