Hiniling ni Assistant Majority Leader Juan Fidel Nograles ang agad na pagpapatibay sa panukala na layong amyendahan at palakasin pa ang Republic Act 9775 o Anti-Child Pornography Act of 2009.
Kasunod na rin ito ng mga ulat ng pagbebenta ng ilang mga estudyante ng mga malalaswang larawan at videos para matustusan ang mga kailangan sa kanilang distance learning.
Iginiit ni Nograles na kailangan ng mas mahigpit na batas na poprotekta sa mga estudyante at mga kabataan upang hindi mahatak ang mga ito sa prostitusyon para lamang matugunan ang mga pangangailangan sa pagaaral.
Si Nograles ang may-akda ng House Bill 7633 o ang Anti-Sexual Abuse and Exploitation of Children Act of 2020 sa Kamara na layong tugisin ang child-pornography sa online.
Isinusulong din sa panukala ang pag-ban sa pagpasok sa Pilipinas ng mga foreign nationals na sangkot sa anumang sex-related offenses sa bansa.
Pinakikilos din ng kongresista ang Department of Education (DepEd) na lumikha ng mga epektibong pamamaraan upang makasabay ang mga mag-aaral sa demands na hinihingi ng distance learning.