Kasunod ng pagkakaroon ng local transmission ng Delta variant sa bansa, inilalatag na ng pamahalaan ang mga hakbang nito nang sa ganoon ay hindi na kumalat pa sa buong bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, isa sa mga agenda nila sa IATF meeting ngayong hapon ay kung papaano mapapalakas ang contact tracing capacity ng bansa.
Naniniwala kasi si Roque na ang episyenteng contact tracing ang susi upang hindi na kumalat ang virus lalo na ang Delta variant sa mga komunidad.
Sa ngayon, nananatili pa rin ang pagsunod sa health and safety protocols samahan pa ng bakuna ang pinakamabisang sandata sa virus anuman ang variant nito.
Matatandaang base sa OCTA Research team projection, posibleng sumirit sa 10,000 kaso ang maitatala sa bansa sa mga susunod na linggo dahil sa Delta variant.
Nakitaan din ng pagtaas sa reproduction number o infection rate sa Metro Manila na mula sa dating 0.6, 0.9 noong isang linggo at ngayong ay tumaas ng muli sa 1.15 na maituturing na high risk.
Kasunod nito, ang patuloy na apela ng Palasyo sa publiko na huwag magpakampante kahit bakunado na lalo’t higit nandiyan na ang Delta variant na maituturing na highly transmissible.