Pagpapalakas sa COVID testing capacity ng bansa, tiniyak ng pamahalaan sa pagdinig ng Senado

Sa mga susunod na buwan, target ng pamahalaan na maisailalim sa Covid test ang 2% ng kabuuang populasyon ng mga Pilipino sa bansa o dalawang milyong katao, lalo na ang mga nasa National Capital Region (NCR).

Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, inihayag ni COVID-19 Response Deputy Chief Implementer Vince Dizon na sinisikap nila na mapaabot sa 50,000 katao ang kayang i-test kada araw.

Ayon kay Dizon, sa ngayon ay nasa 240,000 katao pa lang ang naisasailalim sa Covid test ng gobyerno.


Sa Senate hearing ay sinabi naman ng Department of Health (DOH) na target nila na sa pagtatapos ng Mayo ay maitaas na sa 30,000 katao ang maisasailalim sa COVID test kada araw.

Sabi naman ni COVID-19 Response Chief Implementer Carlito Galvez, inaasahan din na sa pagtatapos ng buwan ay aabot na sa 66 ang accredited testing laboratories sa buong bansa na sa ngayon ay nasa 36 pa lamang.

Nangako din si DOH Secretary Francisco Duque III, na kasama sa kanilang estratehiya ang pagpapabilis ng COVID testing process sa buong Pilipinas lalo na sa NCR kung saan pinakamarami ang naitalang positibong kaso ng virus.

Facebook Comments