Aprubado na sa House Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee ang substitute bill ng Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE Act).
Layon ng panukala na bigyan ng financial assistance ang mga negosyong apektado ng COVID-19 crisis at palakasin ang kapasidad ng mga government financial institutions (GFIs) partikular ang Philippine Guarantee Corporation (PGC), Landbank of the Philippines (LBP), at Development Bank of the Philippines (DBP).
Sa ganitong paraan, ay makakapagbigay ang mga nasabing government financial institutions ng tulong pinansyal sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) at iba pang kumpanya sa pamamagitan ng loan assistance programs, rediscounting at iba pang credit accommodation facilities.
Binibigyan din ng kapangyarihan ng panukalang ito ang LBP at DBP na magtatag ng isang special holding company.
Ayon sa pangunahing may-akda ng panukala na si Quirino Rep. Junie Cua, magsisilbing “major player” ang special holding company na ito pagdating sa financial at capital markets.
Sa ilalim ng panukala, P5 billion ang ilalaan para sa PGC bilang karagdagang kapital, at P50 billion sa LBP at DBP.