Pagpapalakas sa health sector at pagtulong sa mga industriyang apektado ng COVID-19, ipaprayoridad ng Senado sa 2023 budget

Ipaprayoridad ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa 2023 national budget ang sektor ng kalusugan at pagtulong sa mga industriyang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara, umaasa sila sa Senado na patuloy na palalakasin ang health sector at health system ng bansa partikular sa Philippine General Hospital (PGH).

Ikalawa ay isusulong na maipaloob sa pambansang pondo ang suporta sa mga marginalized sectors at iba pang sektor sa pamamagitan ng mga programa na makakatulong sa mga ito na muling bumangon.


Ikatlo, plano ring isama ang suporta para sa mga entrepreneurs sa pamamagitan ng credit programs, support services sa mga maliliit na negosyo tulad ng mga kagamitan, disenyo at iba.

Panghuli ay umaasa na maitataas ang training at skills program para sa mga kabataan na makakaagapay para sa paghahanap nila ng trabaho at makahimok ng mga mamumuhunan sa bansa.

Samantala, sa Martes sisimulan ng Senado ang pagdinig sa ₱5.628 trillion na 2023 budget kasama ang Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Sa kalagitnaan ng Oktubre nais na tapusin ang committee hearings, habang Nobyembre naman inaasahang masisimulan ang debate sa proposed national budget at sisikapin na mapagtibay ito sa huling linggo ng Nobyembre.

Target naman na sa kalagitnaan ng Disyembre ay malalagdaan na ni Pangulong Bongbong Marcos ang pambansang pondo ng susunod na taon.

Facebook Comments