Matapos ang lindol na naramdaman kanina sa ilang bahagi ng Luzon kasama ang ilang parte ng Metro Manila ay iginiit ni Senator Robinhood “Robin” Padilla ang pagpapalakas sa disaster resilience at response.
Pangunahing binanggit ni Padilla na maaring palakasin agad at bigyan ng pondo ay ang Medical Reserve Corps (MRC) at pagmandato ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Mungkahi rin ni Padilla na bigyan ng kalayaan ang bawat rehiyon na magdesisyon sa sarili nila dahil mas alam nila ang sitwasyon sa kanilang nasasakupan kaya mas mabilis silang makakaresponde.
Si Padilla ay nasa opisina niya sa ikalimang palapag ng Senate building at naghahanda sa briefing ng kanyang legal team nang naramdaman niya ang pagyanig kaya agad siyang lumabas kasama ng mga empleyado ng Senado.
Nagdasal din si Padilla para sa kaligtasan ng lahat ng naapektuhan ng lindol.