Pagpapalakas sa mga hakbang laban sa talamak na text scams, iginiit ng isang senador

Iginiit ni Senator Grace Poe sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) na palakasin ang kanilang mga hakbang laban sa talamak na text scams na nambibiktima ng mapagtiwalang mga mobile phone subscriber sa buong bansa.

Diin ni Poe, kailangan ng mahinto ang walang humpay na text scams na dagdag na pahirap at pasakit sa taumbayang baon pa sa utang.

Mismong si Poe ay nakatanggap ng texts mula sa prepaid mobile phone numbers na nangangako ng trabaho, dagdag na pagkakakitaan, insentibo at mga papremyo.


Ayon kay Poe, habang umaasa ang mas marami sa digital na teknolohiya para makaahon sa hirap, ay dapat paigtingin ang pagsawata sa lumalalang mga banta na lalong magpapalubog sa kalagayan ng ating mga kababayan.

Bukod dito ay iginiit din ni Poe sa mga telco na palakasin ang kanilang patuloy na operasyon para i-block ang mga SIM card na malinaw na ginagamit lamang para sa kriminal na hangarin.

Kasabay nito ay hiniling din ni Poe sa papasok na ika-19 na Kongreso na talakayin ang SIM card registration bill para ma-institutionalize ang pagprotekta sa milyun-milyong mobile phone users sa bansa.

Facebook Comments