Hiniling ng Minorya sa Kamara na palakasin ang National Food Authority (NFA) sa gitna na rin ng ulat ng “oversupply” o sobra-sobrang supply ng mga sibuyas ng mga lokal na magsasaka partikular na sa Nueva Ecija at sa Occidental Mindoro.
Giit ng oposisyon, dapat na palakasin pa ang NFA nang sa gayon ay mabili rin ang ibang produkto o ani ng mga magsasaka ng gulay at iba.
Nakikiusap din ang Minorya sa ating mga kababayan na tangkilin ang ating mga lokal na produkto o ani upang hindi magkaroon ng oversupply at hindi masayang ang pagod ng mga magsasaka.
Ayon sa Minorya, maraming magsasaka ang napipilitan na magbagsak-presyo o kaya’y itapon na ang kanilang mga ani dahil sa problema sa smuggling ng mga gulay.
Hindi rin maibyahe ng mga magsasaka ang kanilang mga paninda dahil sa mahal pa rin ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Hindi anila katanggap-tanggap ang kinakaharap ng mga magsasaka lalo’t may mga solusyon naman tulad ng mas mataas na pondo para sa sektor ng agrikultura, pagdadagdag sa cold storage facilities, regulasyon sa importasyon at sugpuin ang smuggling.