Pagpapalakas sa pagbibigay proteksyon sa mga consumers, isinusulong ng Senado

Palalakasin pa ng Senado ang pagbibigay proteksyon sa mga consumers lalo na ngayong panahon na dagsa ang mga mamimili bago sumapit ang Pasko.

Kaugnay dito ay pinamamadali ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagsasabatas sa Senate Bill 942 o Enhanced Consumer Act na ang layon ay palakasin ang karapatan ng mga consumers sa bansa at isulong ang maayos na pamantayan ng kalakalan para sa buong ekonomiya.

Giit ni Gatchalian, mahalagang mabigyan ng kapangyarihan ang mga consumers para magkaroon ng tamang pagdedesisyon sa pagpili ng mga produkto at serbisyo dahil magbibigay daan naman ito sa pag-unlad ng mga lehitimong negosyo.


Sa ilalim ng panukalang batas ay pinaaamyendahan ang Consumer Act of the Philippines o Republic Act 7394 upang mapaigting ang karapatan ng mga consumers at mapaghusay pa ang mga hakbangin para sa pagprotekta sa ating mga mamimili.

Kabilang sa mga isinusulong na amyenda sa batas ay ang pagoobliga na i-translate sa English o Filipino ang mga label ng produkto na nakasulat sa foreign characters o languages bago ito payagang makapasok sa bansa.

Pinapalawig din ng panukala ang otoridad na magpasara ng mga establisyimento na mahuhuli sa akto ng pagbebenta ng mga substandard at mapanganib na produkto.

Dagdag pa rito ang pagpapalawak sa regulasyon ng proteksyon para sa mga mamimili laban sa mga agresibong marketing promotions na nakakaapekto na sa kalayaan ng isang consumer na makapamili ng bibilhing produkto at serbisyo.

Facebook Comments