Pagpapalakas sa pakikilahok ng mga magulang sa pag-aaral ng mga anak, hiniling ng isang senador

Umapela si Senator Sherwin Gatchalian na mas palakasin pa ang pakikilahok ng mga magulang sa pag-aaral at ‘growth and development’ ng mga anak.

Bunsod pa rin ito ng mga nabubulgar na kaso ng pang-aabuso at sexual abuse na kinasangkutan ng ilang mga guro sa iba’t ibang mga paaralan.

Hinihiling ni Gatchalian na ipatupad na ang Parent Effectiveness Service (PES) Program Act o Republic Act 11908 na layong tulungan ang mga magulang at parent-substitutes na mapaigting ang kanilang mga kaalaman sa pagganap ng mga tungkulin sa edukasyon ng mga anak at kaalaman laban sa ‘child abuse’ na posibleng nangyayari sa mga paaralan.


Sa ilalim ng PES Program, maliban sa pagsuporta sa cognitive development ng mga anak sa science, mathematics at reading ay paiigtingin din ang kakayahan ng mga magulang na mabatid ang mga risk factor at senyales ng mga pang-aabuso sa mga mag-aaral.

Prayoridad sa PES program ang mga magulang at parent-substitutes na may mga anak na tinatawag na ‘children at risk’, ‘children in conflict with the law’ at mga batang nakaranas ng pang-aabuso.

Kasama rin sa prayoridad ang solo parents, adolescent parents at kanilang mga magulang at mga parent-substitute.

Ang PES Program ay ipatutupad sa bawat lungsod at munisipalidad sa pamamagitan ng kanilang social welfare and development offices at government units.

Facebook Comments