Iminungkahi ni Senator Risa Hontiveros sa Department of National Defense (DND) na balasahin ang istraktura ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para mapalakas ang Philippine Navy.
Giit ni Hontiveros, ang pagdagdag at pagpapalakas sa maritime force ng Pilipinas ay dapat gawin sa gitna ng hindi matinag na presensya ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.
Basehan ng mungkahi ni Hontiveros, ang pahayag ni Dr. Clarita Carlos ng University of the Philippines at dating pangulo ng National Defense College of the Philippines, na ang disenyo ng kasalukuyang Armed Forces ay para sa isang continental na bansa at hindi naaayon sa isang arkipelago gaya ng Pilipinas.
Tinukoy ni Hontiveros ang panukala ni Carlos na baguhin ang istraktura ng AFP para mas maprotektahan ang pambansang interes sa ating karagatan, lalo pa at ang AFP ngayon ay binubuo ng 71% Army, 18% lang ang Navy at 11% ang Air Force.
Diin ni Hontiveros, lumalaki at dumarami ang banta na dala ng China sa ating mga karagatan at nakasalalay rin dito ang ating dignidad, pambansang intres at seguridad kaya’t dapat maging handa tayo sa magiging implikasyon nito sa ating kinabukasan.