PAGPAPALAKAS SA PRODUKSYON NG ASIN, TINUTUTUKAN SA BAGONG ASIN R&D CENTER SA PANGASINAN

Tinututukan ng Pangasinan State University (PSU) at ng Department of Science and Technology (DOST) ang pagpapataas ng produksyon ng asin sa pamamagitan ng bagong Accelerating Salt Research and Innovation (ASIN) Center na pinasinayaan kahapon, Pebrero 17, sa PSU Binmaley Campus.

Ayon kay PSU University President Dr. Elbert M. Galas, titiyakin ng ASIN Center ang pagpapalakas at modernisasyon ng salt production sa lalawigan, sa tulong ng pananaliksik at makabagong teknolohiya.

Batay sa pag-aaral, umaabot sa 93% ng suplay ng asin sa bansa ang mula sa importasyon.

Sinabi naman ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. na bilang probinsyang ang pangalan ay may kaugnayan sa “asin,” nararapat lamang na magmula sa Pangasinan ang teknolohiyang magpapataas ng lokal na produksyon at magpapababa sa pag-asa sa imported na suplay.

Bagaman bago sa ilang lokal na salt makers ang makabagong teknolohiya kumpara sa tradisyunal na pamamaraan, patuloy umano silang sumasailalim sa pagsasanay upang makasabay sa mga inobasyon.

Ayon sa ulat, may inilaan na ₱93 milyong pondo ang PSU mula sa DOST sa ilalim ng NICER Program para sa pagtatayo ng ASIN Center.

Suportado rin ito ng Republic Act No. 11985 o Philippine Salt Industry Development Act.

Natapos ang gusali noong 2025 at ngayong taon ay opisyal nang binuksan para sa operasyon bilang sentro ng pananaliksik at inobasyon sa industriya ng asin.

Facebook Comments