Pagpapalakas sa Public-Private Partnerships, pinaaaprubahan na; Panukala, makatutulong din sa mga apektado ng COVID-19

Pinamamadali na ni House Committee on Economic Affairs Chairman Sharon Garin ang pag-apruba sa panukalang magpapalakas sa papel ng Public-Private Partnerships (PPP) sa nation-building.

Binigyang diin ni Garin ang mahalagang gampanin ng PPP sa pagbangon ng ekonomiya at bansa ngayong humaharap tayo sa global pandemic na COVID-19.

Nakasaad sa House Bill 6575 o ang Public-Private Partnership (PPP) Rationalization Act of 2020 ang pagbasura sa P1 billion na threshold para sa mga proyektong entitled lamang makakuha ng insentibo upang makahikayat ang bansa ng maraming mamumuhunan mula sa private sector.


Isinusulong din ng panukala ang paglikha sa Project Development Facility na magsisilbing revolving fund para tustusan ang proper identification, study, development, validation, at public bidding.

Sinabi pa ng co-chair ng House Subcommittee on Economic Stimulus Response Package (ESRP), na nagko-complement ang isinusulong na panukala sa ARISE Philippines Act na layunin namang matulungan ang mga maliliit na negosyo at mapanatili ang trabaho ng mga manggagawa sa iba’t ibang sektor.

Para naman maiwasan ang aberya sa PPP ay iminumungkahi rin ang pagbibigay proteksyon sa mga proyekto laban sa restraining orders, preliminary injunctions o preliminary mandatory injunctions ng alinmang korte maliban sa Supreme Court.

Facebook Comments