Pagpapalakas sa teknolohiya ng militar, palalakasin nina Lacson-Sotto Tandem sa gitna na rin ng sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine

Naniniwala si Partido Reporma standard-bearer Senador Ping Lacson na napapanahon na upang paunlarin ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pamamagitan ng pamumuhunan sa modernong teknolohiya dahil nakikinita niyang patungo roon ang bakbakan ng mga bansa sa hinaharap.

Ayon kay Senador Lacson, sakaling siya ay papalarin na maging ika-17 pangulo ng bansa palalakasin nito ang mga teknolohiya ng Philippine Navy at Air Force upang maipagtanggol sakaling mayroong magbantang sakupin ang West Philippine Sea.

Muling inihayag ni Lacson na bilang foreign policy ay isusulong niya ang tinatawag na ‘balance of power’ sa rehiyon kung saan makikipag-alyansa ang Pilipinas sa mga malalakas na bansa.


Maliban dito ay ipatutupad din niya ang Republic Act 10349 o Revised Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Act.

Paliwanag ni Lacson, hindi gaya ng mga naunang administrasyon kung saan sagana sa pondo ang Philippine Army, mas gagastusan niya ang Philippine Navy at Philippine Air Force nang sa gayon ay makasabay ang mga aerial at naval asset ng Pilipinas kung ikukumpara sa ibang bansa.

Naging masidhi ang pagnanais ni Lacson na palakasin ang depensa ng Pilipinas makaraang mabalitaan ang nangyayaring pananakop ng bansang Russia sa Ukraine na, aniya, ay hindi malayong gawin din sa atin ng bansang China dahil sa interest nito sa ilan sa ating mga teritoryo.

Si Lacson ang pangunahing may akda at nag-sponsor ng batas na Revised AFP Modernization Act na pinondohan ng gobyerno ng Php 75-bilyon noong ika-15 Kongreso kung saan siya rin ang kasalukuyang Chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation.

Facebook Comments