Inihayag ngayon ni House Speaker Martin Romualdez ang pagsisikap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mahikayat ang mga kompanya sa Pilipinas at Japan na higit pang palakasin ang kanilang ugnayan para sa trade and investment.
Binanggit ni Romuldez na mensahe ito ni PBBM sa kaniyang pakikipagpulong kay Japan Bank for International Cooperation (JBIC) Governor Tadashi Maeda.
Sa larawang ipinadala ng Office of the House Speaker, makikita na magkasama sina Pang. Marcos, JBIC Gov. Maeda at Speaker Romualdez.
Sinabi rin ni Romualdez na pagdating sa Japan para sa five-day official visit, ay agad dumalo si PBBM sa isang dinner-meeting na inorganisa ng Mitsui & Co. and Metro Pacific Investments Corporation.
Masaya ring ibinalita ni Romualdez na umabot sa bilyon-bilyong piso ang natanggap na investment pledges ni Pangulong Marcos mula sa top executives ng Japan-based semi-conductor, electronics at wiring harnesses.
Kapag naisakatuparan ang nabanggit na mga pamumuhunan ay inaasahang magbibigay ito ng libo-libong trabaho para sa mga Pilipino.