Pagpapalaki ng coconut export sa bansa, pinagpaplanuhan ng Philippine Coconut Authority

Manila, Philippines – Pinagpaplanuhan na ngayon ng Philippine Coconut Authority (PCA) ang mga paraan upang lalo pang mapalaki ang coconut export ng bansa.

Ayon sa PCA, kabilang dito ang pagsasagawa ng replanting programs at production consolidation o pag-iisa sa lahat ng produksyon ng maliliit na coco farmers upang matugunan ang malaking bolyum ng order mula sa international buyers.

Ang planong ito ay kasunod ng katatapos lamang na trade event sa Munich, Germany kung saan nakiisa ang ahensya kasama ang Philippine Trade and Investment Center ng DTI sa layuning ipakilala sa European Union (EU) ang coconut products ng Pilipinas.


Pinangunahan ni PCA Administrator Romulo dela Rosa kasama ang iba pang opisyal ang Philippine mission kung saan nakipagpulong rin sila sa mga senior executives ng siba’t ibang organisasyon sa Germany kabilang na ang Coconut Business at Association of Oilseed Crushing and Oil Refining Industry (OVID).

Itinuturing ang Pilipinas na ‘number one supplier’ ng coconut oil sa Germany subalit ang isa sa kinakaharap na problema ng export industry ng bansa ang mahigpit na regulations na ipinapatupad sa EU.

Facebook Comments