Kinalampag ni Senate Committee on Health Chairman Christopher “Bong” Go ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawakin pa ang mga healthcare packages at bawasan na ang kontribusyon ng mga myembro matapos mapagalaman sa pagdinig ng Senado na may sobra-sobra palang pondo ang state health insurer.
Iginiit ni Go na kailangang i-maximize ang available resources ng bansa upang matulungan ang mga mamamayan na hindi kayang tustusan ang kanilang pangangailangang medikal.
Sa halip aniya na ibalik sa National Treasury ang halos P90 billion na labis na pondo ng PhilHealth para gamitin sa ibang programa ay dapat aniyang gamitin ito para sa benepisyo ng mga myembro salig na rin sa Universal Healthcare Act.
Para kay Go, hindi katanggap-tanggap na ang pondong para sa kalusugan ay gagamitin sa ibang paraan gayong maraming mamamayan ang humihingi ng tulong sa pagpapagamot.
Paalala ni Go, alinsunod sa UHC Law, lahat ng Pilipino ay miyembro ng PhilHealth kaya’t dapat na gamitin ng tama ang sapat na pondo ng PhilHealth para mapakinabangan ng mga mahihirap na Pilipinong may sakit.