Hiling ng Department of Health (DOH) sa Food and Drug Administration (FDA) na palawakin pa ang listahan ng mga indibidwal na papayagan nang tumanggap ng second booster shot ng COVID-19.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Vaccine Expert Panel (VEP) Dr. Nina Gloriani na humiling na ang DOH na maisama na ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at seafarers sa mga ito.
Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Gloriani na patuloy pa rin nilang isinusulong ang pagsasasama sa mga mabibigyan ng second booster, ang mga indibidwal na mayroong maraming comorbidity kahit hindi ito pasok sa depenisyon ng immunocompromised na una nang inilatag ng World Health Organization (WHO).
Sa ngayon, hinihintay pa rin aniya nila ang magiging pasya ng FDA sa nauna nang rekomendasyon na isama na rin ang frontliners sa mga papayagang makatanggap ng ikalawang booster dose.
Matatandaan na ang eligible pa lamang sa ngayon para sa second booster ay ang healthcare workers, senior citizens at immunocompromised.