PAGPAPALAWAK NG SCHOLARSHIP ORDINANCE SA DAGUPAN, TINUTUTUKAN NG SANGGUNIANG PANLUNGSOD

Tinututukan ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang rebisyon ng umiiral na Scholarship Ordinance upang mapalawak pa ang saklaw nito at makinabang ang mas maraming estudyanteng nangangailangan sa lungsod.

Sa isang committee hearing na ginanap kamakailan, tinalakay ang Draft Ordinance No. O 02-2026 o ang Revised Comprehensive Scholarship and Educational Assistance Ordinance of the City of Dagupan.

Layunin nitong iakma ang programa sa kasalukuyang pangangailangan ng mga mag-aaral at tiyakin ang malinaw, patas, at transparent na pamamahala ng scholarship assistance.

Lumahok sa pagdinig ang mga miyembro ng konseho, City Legal Office, Scholarship Office, Department of Education Schools Division Office Dagupan City, at mga kinatawan ng sektor ng mga magulang.

Tinalakay rin ang mga naging hamon sa implementasyon ng programa, kabilang ang pondo, saklaw ng benepisyo, at proseso ng pagpili ng mga benepisyaryo.

Batay sa datos na ibinahagi, malaki na ang inangat ng scholarship program ng lungsod mula nang mabigyan ito ng sapat na pondo noong mga nagdaang taon, na nakatulong sa libo-libong mag-aaral, lalo na mula sa mga pamilyang kapos sa kabuhayan.

Sa pamamagitan ng inaasahang rebisyon ng ordinansa, target ng lungsod na mas mapalawak ang access sa tulong-edukasyon at masigurong mas maraming kabataang Dagupenyo ang magkakaroon ng pagkakataong makapagtapos ng pag-aaral. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments